Iba’t ibang kontrabando nakumpiska sa Bilibid
Nasamsam ng Bureau of Corrections (BuCor) ang iba’t ibang ipinagbabawal na gamit sa loob ng maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City sa isinagawang “Oplan Galugad” habang nakataas ang red alert status.
Pinangunahan nina Asec. Gabriel Chaclag, Deputy Director General for Administration; CTSupt. Ricardo Zulueta, Acting Director, Directorate for Security and Operations na siya ring Acting Superintendent ng MinSecom, at iba pang opisyal ng NBP Compunds ang pagsasagawa ng inspeksyon.
Katuwang sa ikinasang operasyon ng BuCor ang NCRPO, PNP-SWAT at SOAR upang masiguro ang seguridad at kaligtasan ng bawat isa.
Ang operasyon ay hinati pa sa apat na grupo upang mas mapabilis at mapadali ang isinagawang galugad na nagresulta ng pagkakumpiska ng mga cellphones, charger, simcard, tobacco, improvised weapons, at iba pang uri ng kontrabando na mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng prison facility.
Ang pagsasagawa ng pinaigting na Oplan Galugad ng BuCor ay upang maipagpatuloy ang pagkakaroon ng kaauyusan at seguridad hindi lamang sa bawat Persons Deprived of Liberty (PDL) maging ang mga Corrections Officers na nakatalaga sa bawat pasilidad ng bilangguan.
Sinisiguro ng pamunuan ng BuCor sa direktiba ni Director General Usec Gerald Bantag na patuloy ang masigasig na pagsasagawa ng mga ganitong uri ng searching operations upang mapuksa ang pagpasok ng mga kontrabando sa loob ng piitan. (Bhelle Gamboa)