Pakikiramay sa pagpanaw ng limang rescuers sa Bulacan, dumagsa
Dumagsa ang pakikiramay sa pagpanaw ng limang rescuers sa Bulacan na nagbuwis ng kanilang buhay habang tumutulong na masagip ang mga residenteng binaha dahil sa bagyong Karding.
Sa kaniyang mensahe, ipinaabot ni Senator JV Ejercito ang pakikiramay sa mga pamilya ng limang rescuers mula sa Bulacan.
Ipinaabot din ng senador ang pag-saludo kina George Agustin, Troy Justin Agustin, Marby Bartolome, Jerson Resurrecion, at Narciso Calayag Jr.
“Habambuhay ang aming pagpupugay at pasasalamat ang inyong serbisyo at sakripisyo,” ayon kay Ejercito.
Nagpaabot din ng pakikiramay si Sen. Raffy Tulfo sa mga naulila ng lima.
Sinabi ni Tulfo na maituturing na bayani ang lima na nagbuwis ng buhay upang matulungan ang mga nasalanta ng Super Typhoon ‘Karding’ sa Bulacan.
“Sa mga bayaning sina Narciso Calayag, Jr., Jerson Resureccion, Marby Bartolome, George Agustin, at Troy Justin Agusin, salamat sa inyong serbisyo at kabayanihan,” ayon kay Tulfo.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni DILG Sec. Benhur Abalos na sana ay maging inspirasyon ang ipinakitang dedikasyon ng limang rescuers.
Kaisa aniya ang DILG ng provincial government ng Bulacan at ng mga taga-Bulacan sa pagdadalamhati sa pagpanaw ng lima.
““Our snappy salute to Narciso Calayag, Jerson Resurreccion, Marvy Bartolome, George Agustin, and Troy Justin Agustin of the BPDRRMO for responding to the call of duty and rendering an unequivocal testament of genuine public service even at the expense of their own lives,” ayon kay Abalos. (DDC)