Pag-apela sa natanggap na traffic citation ticket maaari nang gawin online
Inilunsad ng MMDA ang bagong online filing platform kung saan mas pinadali ang pag-contest o paghahain ng apela sa natanggap na traffic citation ticket.
Ayon sa MMDA, kung nahuli dahil sa paglabag sa batas-trapiko at nais itong i-contest o iapela, puwede na itong gawin online.
Kailangan lamang i-scan ang QR code o i-click ang link na https://bit.ly/3J62YhH punan ang form at i-upload ang kinakailangang detalye at dokumento tulad ng Unified Ordinance Violation Receipt (UOVR), driver’s license, at Official Receipt/Certificate of Registration (OR/CR) ng iyong sasakyan.
Maaaring isumite ang reklamo mula 8am hanggang 5pm, Lunes hanggang Biyernes.
Sa loob ng 3 araw matapos isumite ang apela ay makikipag-ugnayan ang MMDA-Traffic Adjudication Division para sa pre-processing ng paghahain ng reklamo.
Kung magpapasya ang driver na ituloy ang apela, magtatakda na ang pagdinig ang MMDA kung saan ipatatawag ang driver, enforcer at hearing enforcer.
Face-to-face na isasagawa ang hearing. (DDC)