Memo ng DILG kaugnay ng pagkumpiska ng lisensya ng mga lumabag sa batas-trapiko, welcome sa LTO
Pinuri ng Land Transportation Office (LTO) ang ipinalabas na memorandum ng Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa pagkumpiska ng driver’s license ng mga nahuhuli sa paglabag sa batas-trapiko.
Sa memorandum na inilabas ng DILG, ipinaalala na ang LTO at ang deputized agents lamang nito ang may mandato ng batas na magkumpiska ng mga lisensya ng mga motoristang lumalabag.
Ikinalugod ng LTO ang nasabing utos ng DILG sa mga local government unit (LGU) at sa lokal na puwersa ng pulisya sa buong bansa.
Naniniwala ang ahensya na naaayon ito sa naunang pasya ng Korte Suprema at sa mga probisyong nakasaad sa ilalim ng Republic Act 10930 na ang pagkumpiska ng driver’s license ay maaari lamang gawin ng LTO.
Ang hakbang ng DILG ay pagbibigay-diin lamang na ang LTO ang pangunahing law enforcement agency na may mandatong tiyaking naipatutupad at nasusunod ang mga batas-trapiko para sa kaligtasan ng publiko.
Nagbubukas din ito ng oportunidad sa LTO upang higit na magkaroon ng pagtutulungan ang ahensya at LGUs na palakasin pa ang kampanya hinggil sa kaligtasan at disiplina sa mga lansangan. (DDC)