Passport Appointment System ng DFA nakaranas ng downtime
Nakaranas ng temporary unscheduled downtime ang Passport Appointment System ng Department of Foreign Affairs (DFA) araw ng Miyerkules (Sept. 21).
Ayon sa DFA-Office of Consular Affairs (DFA-OCA), base sa report na kanilang natanggap mula sa kanilang service provider na APO Production Unit Inc. (APO), nagkaproblema ang passport.gov.ph dito sa Pilipinas at maging sa ibang bansa.
Ito ay dahil sa naranasang equipment failure ng main power provider.
Nangako naman ang APO na agad aayusin ang problema.
Inabisuhan ng DFA ang mga aplikante na nagproseso para magpa-schedule ng appointment at nakapagbayad na online na maaari silang makaranas ng delay sa pagdating ng kanilang payment reference sa e-mail o ng confirmation emails.
Ang mga nakakumpleto na ng kanilang online applications, at nakapagbayad na ay pinapayuhang maghintay ng 48-oras para matanggap ang email.
Pinapayuhan din silang i-check ang kanilang spam folders.
Kung mayroong concern, maaring magpadala ng email sa oca.concerns@dfa.gov.ph. (DDC)