Pagpapaliban sa 2022 Barangay at SK elections aprubado sa final reading sa Kamara
Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang batas na ipagpaliban ang pagdaraos ng Barangay at SK Elections sa December 2022.
Ang House Bill 4673 kung saan ipinapanukalang gawin na lamang ang Barangay at SK elections sa unang Lunes ng December 2023 ay inaprubahan matapos makakuha ng 264 YES votes, 6 na NO votes at 3 abstention.
Inaprubahan ng mayorya ng mga mambabatas ang panukala kahit pa iginit ni Commission on Elections chairman George Garcia na ang pagpapaliban sa naturang eleksyon ay mangangahulugan ng karagdagang gastusin sa gobyerno.
Ayon kay Garcia, kung hindi matutuloy ang eleksyon ay kailangan muling i-resume ng Comelec ang voter registration at kasunod nito ay ang pag-imprenta ng dagdag na mga balota, pagkuha ng dagdag na guro bilang poll workers, dagdag na polling precincts, at dagdag na election paraphernalia.
Sa pagtaya ni Garcia aabot sa P5 billion ang madaragdag na gastusin. (DDC)