NBI consultant at isa pa arestado sa ‘extortion’ at obstruction of justice
Iniulat ni Southern Police District (SPD) Acting District Director, Colonel Kirby John Brion Kraft ang pagkakaaresto ng umano’y National Bureau of Investigation (NBI) consultant at kasabwat nito, sa ginanap na pulong balitaan sa SPD Headquarters, Taguig City, nitong Lunes,Setyembre 19.
Inaresto ang mga suspek na sina Larry Marbid y Naperi, 48, NBI consultant, (Confidential Agent), dahil sa kasong Robbery Extortion, at Laurence Delos Tria y Cathillira, 39 driver, para sa Obstruction of Justice (PD 1829).
Unang isinagawa ang entrapment operation sa tabi ng fast-food chain sa Gil Puyat corner Taft Avenue, Pasay City, dakong alas- 8:30 ng gabi ng Setyembre 18 bunsod ng reklamo ng isang 25-anyod na babaeng biktima.
Agad dinakip ng mga tauhan ng DSOU, SPD at RID NCRPO si Marbid matapos umanong tanggapin ang marked money kapalit ng pagpapalaya ng dalawang Chinese nationals na narescue ng NBI sa kanilang operasyon noong Setyembre 16, 2022 sa Sta. Lucia BPO Building sa Pasig City.
Narekober sa operasyon ang ₱3,000 na dusted money kasama ang ₱247,000 boodle money, at isang grey Yamaha NMAX.
Kasamang inaresto ng awtoridad si Delos Tria nang bigla umano itong sumulpot at nakialam sa operasyon.
“We are still investigating. We have to validate kung sino talaga itong tao na ito (Marbid). Despite na may nakuha tayong NBI link sa kanya but that is still subject for validation. Yung nangyaring operation dapat matuwa kasi isa lang naman ang purpose natin ma-rescue natin itong mga Chinese na nangangailangan ng tulong,” ani Col. Kraft. (Bhelle Gamboa)