Drivers, operators hindi puwedeng magtaas singil sa pamasahe kung walang fare matrix
Nagpaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga driver at operator ng mga pampublikong sasakyan hinggil sa ipatutupad na dagdag-singil sa pamasahe simula sa Oktubre.
Ayon sa LTFRB, ang mga PUV operator at driver ay dapat magpaskil ng Fare Matrix o Fare Guide sa kanilang mga sasakyan na madaling makikita ng mga pasahero.
Hindi maaaring magtaas ng singil sa pamasahe hangga’t wala pang Fare Matrix Guide.
Nauna namang sinabi ng LTFRB na naiintindihan nila na kailangang taasan ang pamasahe sa mga pampublikong sasakyan kasunod ng pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Sa kabila nito sinabi ng ahensya na kailangan pa ring sumunod sa mga alituntunin at polisiya ang mga PUV driver at operator, alinsunod sa mga kundisyon ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC) at Joint Administrative Order 2014-01.
Kung may reklamo patungkol sa pagpapatupad ng fare increase sa mga pampublikong sasakyan, maaaring ipaabot sa LTFRB 24/7 Hotline: 1342 o mag-send lang ng message sa LTFRB Official Facebook page o magtungo sa official website ng LTFRB. (DDC)