DepEd kinumpirmang walang inilaang pondo para sa mga estudyanteng may special needs sa 2023 national budget
Nagpaliwanag ang Department of Education (DepEd) hinggil sa mga kumakalat na balita na walang inilaang pondo para sa Special Education (SPED) sa susunod na taon.
Ayon sa DepEd, kasama sa kanilang ipinanukala para sa pambansang budget sa susunod na taon ay ang P532 Million na pondo para sa SPED.
Gayunman, sa kabila ng pagsusulong ng ahensya para sa kapakanan ng mga mag-aaral na mayroong special needs, ay hindi ito naikunsidera sa National Expenditure Program (NEP).
Taun-taon umanong nangyayari ito ayon sa DepEd.
Sinabi ng DepEd na palagian naman silang nakikipag-ugnayan sa mga mambabatas para mahanapan ng solusyon upang mapondohan ang mga programa ng ahensya.
Sa mga nagdaang taon, gumawa din ng hakbang ang DepEd para matiyak na masusuportahan ang DepEd programs.
Sinabi ng DepEd na malisyoso at misleading ang mga kumakalat na ulat na sinadya ng ahensya na hindi pondohan ang Special Education Program. (DDC)