Pagdinig ng senado sa mga insidente ng kidnapping, inumpisahan na
Sinimulan na ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang imbestigasyon hinggil sa sunud-sunod na ulat ng insidente ng kidnapping sa bansa.
Ang imbestigasyon ay ikinasa matapos maghain ng magkakahiwalay na resolusyon sina Senators Imee Marcos, JV Ejercito at Grace Poe dahil sa anila ay nakaaalarma na kidnapping incidents.
Ayon kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, kadalasang sa social media kumakalat ang balita hinggil sa mga insidente ng pagdukot, dahilan para magdulot ng panic at takot sa publiko.
Target aniya ng imbestigasyon na matukoy kung balido pa ang mga lumalabas na ulat sa social media.
Una nang hiniling ng Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. ang tulong ng Philippine National Police at ng Kongreso dahil nakatanggap umano sila ng 56 na kidnapping reports sa loob lamang ng 10-araw.
Gayunman, ayon sa PNP, base sa datos ng PNP Anti-Kidnapping Group, ngayong taon ay umaabot pa lamang sa 27 ang naitatalang insidente ng abduction. (DDC)