2 driver na nag-viral sa social media dahil sa paglabag sa batas-trapiko, binawian ng lisensya
Pinatawan ng multa at binawian ng drivers’ license ang dalawang driver sa Cavite City na naging viral sa social media ang nakuhang video ng kanilang paglabag sa batas-trapiko.
Sangkot sa insidente ang motorsiklong may blinker at sirena na nagsilbing escort ng pribadong sasakyan na nag-counterflow sa Silang, Cavite City.
Nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko at abala sa iba pang mga motorista ang ginawa ng dalawang driver.
Alinsunod sa direktiba ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo E. Guadiz III, pinirmahan ni LTO NCR Director at Law Enforcement Service (LES) Chief Clarence Guinto ang resolusyon na tumukoy sa pananagutan ng motorcycle driver na si Michael Inocentes dahil sa kasong administratibo tulad ng reckless driving, Failure to Attach Authorized Motor Vehicle License Plate, at Failure to Carry OR/CR.
Si Inocentes ay pinagmumulta ng P8,000 dahil sa kanyang mga paglabag.
Samantala, ang driver ng itim na pribadong sasakyan na nasa video ay kinilalang si Roi Vincent Toledo at siya ay ipinagharap ng Obstruction of Traffic at Reckless Driving.
Si Toledo ay pinagbabayad ng multang P3,000.
Batay pa sa resolusyon, kapwa rin nadiin sa Improper Person to Operate a Motor Vehicle sina Inocentes at Toledo at inatasan na isuko ang kanilang mga lisensya sa pagmamaneho sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO.
Inatasan din ng LTO si Erwin Pijana, ang may-ari ng itim na pribadong sasakyan, na ipalipat ang papeles ng sasakyan sa kanyang pangalan sa loob ng 20 araw simula nang matanggap ang resolusyon.
Nagbabala ang LTO na mailalagay sa alarma ang sasakyan kung hindi susunod si Pijana.
Muling umapela si Guadiz sa mga motorista na respetuhin ang batas at regulasyong pantrapiko na layong mabigyan ng proteksyon ang publiko at mapanatili ang kaligtasan sa mga lansangan sa bansa.
Iginiit din ng LTO Chief na hindi nito kukunsintihin ang mga sinasadyang balewalain ang mga batas at regulasyon na maglalagay sa panganib o alaganin ng buhay ng iba pang nasa kalsada.
Buong puwersa ding ipapatupad ng LTO ang batas laban sa mga lumabag, anuman ang antas o posisyon sa lipunan, partikular ang mga nagpapanggap na person of authority. (DDC)