Bagong gusali itatayo sa PUP Main Campus para matugunan ang classroom shortage
Sinimulan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang konstruksyon ng bagong main academic building sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) Main Campus sa Sta. Mesa, Manila.
Ito ay para matugunan ang kakulangan sa classroom at learning facilities sa unibersidad.
Sa kaniyang report kay Secretary Manuel M. Bonoan, sinabi ni DPWH National Capital Region Director Nomer Abel P. Canlas na ang itatayong pasilidad ay kapapalooban ng 9-storey main school building.
Ito ay para mapalitan ang lumang istraktura sa PUP na mayroong anim na palapag at para ma-accommodate ang dumarami pang mag-aaral sa PUP.
Ang Phase 1 ng school building project ay sisimulan sa North Wing na pinondohan ng P187.3 million at nakatakdang matapos sa loob ng 12-buwan. (DDC)