EO na nagpapatupad ng moratorium sa pagbabayad ng utang ng mga magsasaka nilagdaan ni Pangulong Marcos
TITLE: EO na nagpapatupad ng moratorium sa pagbabayad ng utang ng mga magsasaka nilagdaan ni Pangulong Marcos
Bilang bahagi ng pagtupad sa kaniyang naipangako noong State of the Nation Address (SONA) ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order (EO) na magpapatupad ng isang taong moratorium sa pagbabayad ng amortisasyon at interest sa utang ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs).
Ang EO ay nilagdaan ng pangulo sa Heroes Hall sa Malakanyang kasabay ng pagdiriwang ng kaniyang ka-65 Kaarawan.
Ayon sa pangulo ang pagpapatupad ng isang taong moratorium sa land amortization at loan interest ay makatutulong para maibsan ang pasanin ng mga ARBs.
Sa halip na alalahanin ang kanilang bayarin at pagkakautang ay mas makasesentro ang mga magsasaka sa kanilang produksyon.
Tinatayang nasa 654,000 na agrarian reform beneficiaries ang makikinabang sa EO. (DDC)