Pag-iral ng state of calamity sa buong bansa dahil sa COVID-19 pandemic pinalawig ni Pangulong Marcos
Pinalawig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-iral ng state of calamity sa bansa dahil sa pandemya ng COVID-19.
Sa nilagdaang Proclamation No. 57 ni Pangulong Marcos, pinalawig pa ang pag-iral ng state of calamity sa buong bansa hanggang sa December 31, 2022.
Nakasaad sa proklamasyon na kailangang palawigin ang state of calamity para maipagpatuloy ng national government at local government units ang mga COVID-19 related interventions.
Kabilang dito ang COVID-19 vaccination program, paglalaan at paggamit sa karampatang pondo kabilang ang Quick Response Fund para sa disaster preparedness, response effort sa COVID-19, pag-monitor at pagkontrol sa presyo ng pangunahing bilihin at pagbibigay ng basic services sa mga mamamayan.
Inatasan ni Marcos ang lahat ng ahensya ng pamahalaan at mga LGUs na ipagpatuloy ang pagbibigay ng tulong sa mga mamamayan. (DDC)