1,450 trainees nanumpa bilang bagong mga tauhan ng Philippine Coast Guard
Aabot sa 1,450 ang nanumpa sa puwesto bilang bagong mga kasapi ng Philippine Coast Guard (PCG) sa seremonyang idinaos sa Coast Guard Fleet Parade Ground araw ng Lunes, Sept. 12.
Kabilang sa mga nanumpa ang 1,283 na kalalakihan (88%), at 167 na kababaihan (12%)..
Ayon sa PCG, ito na ang pinakamalaking oath-taking ceremony ng mga enlistment trainees sa kasaysayan ng PCG.
Sa kaniyang mensahe, mensahe sinabi ni PCG Commandant, CG Admiral Artemio M. Abu, na ang pagiging kasapi ng Coast Guard ay para sa mga mayroong “brave soul”, “mind of steel” at taglay din ang pagkakaroon ng “tender heart”.
Ang pagiging bahagi aniya ng PCG ay para sa mga mayroong pagmamahal sa bayan.
Kinilala din ni Abu ang pagsasakripisyo ng mga magulang para sa kanilang mga anak na ngayon ay naghahanda sa pagiging opisyal na lingkod bayan.
“I also wish to express my gratitude and congratulate your parents for raising such commendable individuals, and for supporting you in this endeavor,” ayon kay Abu.
Samantala, binigyang-diin ni Abu ang responsibilidad na nakaatang sa mga trainees sa oras na maisuot nila ang uniporme ng isang Coast Guard personnel.
Ang malawakang recruitment ng PCG ay bahagi ng komprehensibong modernization program ng organisasyon.
Sa pagdating ng mga karagdagang barko, air assets, at iba pang makabagong kagamitan, kinakailangan din ng PCG ng mga lingkod bayan na tutulong sa pagtupad ng mga mandato nito sa sambayanang Pilipino. (DDC)