Mga guro na may utang papayagan nang mag-renew ng PRC license
Sinuspinde na ng Professional Regulation Commission (PRC) ang Memorandum Order 44 o “Utang Tagging” sa mga propesiyonal na nahaharap sa mga kasong administratibo.
Sa ilalim ng nasabing memorandum order, ang mga guro na may utang at sinampahan ng reklamo ay hindi papayagang mag-renew ng kanilang lisensya sa PRC.
Nababahala si Labor Secretary Bienvenido Laguesma na lalo lamang pabibigatin ng ‘Utang Tagging’ ang problema ng mga propesiyonal na may nakabinbing reklamo.
Mas lalo kasi aniyang hindi makababayad ang mga ito sa kanilang utang kung hindi sila makapagtatrabaho dahil wala silang PRC license.
Ayon kay Laguesma epektibo agad ang kautusan ng PRC sa pagsuspinde sa memorandum.
Ang inisyung Resolution No. 1558 ni PRC acting Chairman Jose Cueto Jr. at Commissioner Erwin Enad, ay tugon sa isyu ng ‘Utang-Tagging’ na naunang pinuna ni ACT Teachers Party-List Rep. France Castro sa idinaos na congressional deliberation para sa pondo ng DOLE.