IATF inirekomendang gawing boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask sa open spaces
Inirekomenda ng Inter Agency Task Force (IATF) na gawing boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face mask sa outdoors o open spaces.
Mabilis namang nilinaw ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na hindi pa ito polisiya at sasailalim pa sa pag-aaral bago maaprubahan at maipatupad.
Nakasaad din sa rekomendasyon na ang mga senior citizens at immunocompromised ay hinihikayat pa ring patuloy na magsuot ng face mask.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Secretary Maria Rosario Vergeire na bumubuo na ng concept paper ang mga otoridad para sa pilot testing ng voluntary mask wearing sa mga piling lugar.
Ito ay para makita kung kakayanin na ng sistema o hindi.
Sinabi ni Vergeire na nabuo ang rekomendasyon matapos maglatag ng pag-aaral mula sa ibang mga bansa ang ilang miyembro ng IATF.
Kung maaaprubahan, ang pagsusuot ng face mask sa mga outdoor at well-ventilated areas ay magiging boluntaryo na lamang para sa mga low-risk individuals. (DDC)