P578K na halaga ng shabu nakumpiska sa Taguig buy-bust ops
Aabot sa 85 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P578,000 ang nakumpiska sa dalawang drug personalities sa isinagawang buy-bust operation ng awtoridad sa Taguig City.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Zenorin Midtimbang, alyas Jenorin, 41 anyos at isang driver, at Johari Taup, 22 anyos, isang college student.
Batay sa ulat, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Taguig City Police sa covered court na matatagpuan sa Road14, Roldan St., Brgy. New Lower Bicutan sa lungsod na nagresulta ng pagkakaaresto ng dalawang suspek at pagkakakumpiska ng ilegal na droga at marked money.
Dinala ang mga ebidensiya sa SPD Forensic Unit habang inihahanda na ang pagsasampa ng kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek.
Pinuri naman ni Southern Police District (SPD)Acting District Director, Col. Kirby John Brion Kraft ang naging hakbang ng mga operatiba sa patuloy na pagpapaigting sa kampanya kontra ilegal na droga sa katimugang Metro Manila. (Bhelle Gamboa)