Super Typhoon Henry lumakas pa; bagyong Gardo humina at naging isang LPA na lang
Lumakas pa ang Super Typhoon Henry habang kumikilos papalapit sa Batanes.
Huling namataan ang bagyo sa layong 430 kilometers East Northeast ng Itbayat, Batanes.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 195 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 240 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong Southwest sa bilis na 25 kilometers bawat oras.
Ayon sa PAGASA, ngayong tanghali hanggang mamayang gabi makararanas na ng mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na buhos ng ulan sa Batanes.
Bukas ay katamtaman hanggang malakas na pag-ulan ang mararanasan sa Batanes at Babuyan Islands.
Palalakasin din ng bagyong Henry ang Southwest Monsoon na magpapaulan sa western section ng Luzon simula bukas.
Posibleng magtaas ng Tropical Cyclone Wind Signals (TCWS) sa Extreme Northern Luzon dahil sa magiging epekto ng bagyo.
Sa Sabado ng gabi o Linggo ng umaga inaasahang lalabas ng bansa ang bagyo.
Samantala, ang tropical depression Gardo ay humina na at naging isang Low Pressure Area na lamang.
Huling namataan ang LPA sa layong 760 kilometers East Northeast ng Itbayat, Batanes. (DDC)