Super Typhoon Henry magsisimula nang magpaulan sa Batanes ngayong araw; tropical cyclone wind signal itataas sa mga lugar na tataaman ng bagyo
Napanatili ng Super Typhoon Henry ang lakas nito habang nasa Philippine Sea.
Ang bagyo ay huling namataan sa layong at 530 kilometers East Northeast ng Itbayat, Batanes.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 185 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 230 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong Southwest sa bilis na 25 kilometers bawat oras.
Ayon sa PAGASA, simula ngayong tanghali hanggang mamayang gabi makararanas na ng mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na buhos ng ulan sa Batanes.
Bukas ay katamtaman hanggang malakas na pag-ulan ang mararanasan sa Batanes at Babuyan Islands.
Palalakasin din ng bagyong Henry ang Southwest Monsoon na magpapaulan sa western section ng Luzon simula bukas.
Ayon sa PAGASA, maaring magtaas ng Tropical Cyclone Wind Signals (TCWS) sa Extreme Northern Luzon ngayong araw.
Sa Sabado ng gabi o Linggo ng umaga inaasahang lalabas ng bansa ang bagyo.
Samantala ang tropical depression Gardo naman ay huling namataan sa layong 855 kilometers east northeast ng extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers bawat oras at pagbugsong aabot sa 70 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 45 kilometers bawat oras sa direksyong northwest.
Sinabi ng PAGASA na hihina ang bagyong Gardo at magiging Low Pressure Area sa susunod na 12 oras.
Inaasahang sasanib ang bagyong Gardo sa sirkulasyon ni Super Typhoon Henry. (DDC)