Daily traffic violations sa Maynila bumaba ng 90 percent dahil sa NCAP

Daily traffic violations sa Maynila bumaba ng 90 percent dahil sa NCAP

Tatalima ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa inilabas na temporary restraining order ng Korte Suprema laban sa pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).

Sa pahayag sinabi ni Manila City Communications Head Princess Abante na nauunawaan ng pamahalaang lungsod ang karapatan ng sinumang mamamayan na kwestyunin ang anumang polisiya ng pamahalaan tungo sa ikabubuti ng lahat.

Sa kabila nito, sinabi ng pamahalaang lungsod na ang tama at wastong paggamit ng makabagong teknolohiya ang daan sa mabilis, episyente, at maginhawang serbisyo sa lahat ng mamamayan.

Ang NCAP ayon kay Abante ay bahagi ng programa na naglalayong bigyan ng mga technological solutions ang mga problema sa matinding trapiko sa buong Metro Manila at bahagi rin ito ng malawakang automation program ng Lungsod ng Maynila.

Isinagawa aniya ang NCAP base sa Section 16 ng Local Government Code at Ordinance No. 8092 o ang Traffic Code of the City of Manila.

Ayon kay Abante simula noong December 2020 nang umpisang ipatupad ang NCAP sa Maynila ay bumaba ng mahigit sa kalahati ang traffic violations at aksidente sa daan sa lungsod.

Ito ay kung pagbabatayan ang road safety report ng MMDA kung saan noong 2019 ay nakapagtala ng 1,950 fatal at non-fatal injuries sa lungsod at bumaba ito sa 1,033 noong 2021.

Sa datos naman ng Manila Police District, noong 2019 ay nakapagtala ng 11,093 road accidents sa lungsod na bumaba sa 4,206 na lamang noong 2021.

Noong June 2022 ay bumaba din ng 90 percent ang naitatalang daily violations sa lungsod na umabot lang sa 4 mula sa 37 na average daily violations noong February 2021.

Ilan pang benepisyo ng pagpapatupad ng NCAP ayon kaky Abante ay ang pagkawala ng pangongotong, pagbilis ng daloy ng trapiko, mas naging ligtas ang mga kalsada hindi lamang sa mga sasakyan kungdi sa mga naglalakad at nagbibisikleta.

Tiniyak ni Abante na laging bukas ang mga tanggapan ng Lungsod ng Maynila para sa tumanggap ng anumang reklamo at pati na rin sa NCAP.

Mayroon aniyang adjudication board ang NCAP kung saan maaaring kwestyunin ng motorista ang Notice of Violation. (DDC)

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *