SC nagpalabas ng TRO sa pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy
Pinigil ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Sa isinagawang en banc session ngayong Martes (Aug. 30) nagpalabas ang SC ng temporary restraining order para sa pagpapatupad ng NCAP programs sa at mga ordinansang may kaugnayan dito.
Sa resolusyon ng Korte Suprema, ipinagbawal din muna ang panghuhuli sa mga motorista sa pamamagitan ng NCAP program.
Binawalan din ang Land Transportation Office (LTO) na ibigay sa mga local government units ang mga impormasyon ng mga motorista kung may kaugnayan sa pagpapatupad ng NCAP.
Nagtakda ng oral argument ang Korte Suprema sa usapin sa Jan. 24, 2023.
Una nang naghain ng petisyon sa SC ang Kilusan sa Pagbabago ng Industriya ng Transportasyon (KAPIT), Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, Alliance of COncerned Transport Organization at si Atty. Juman Paa na kumukwestyon sa ipinatutupad na NCAP.
Kabilang sa respondents sa nasabing mga petisyon ang mga lokal na pamahalaan ng Maynila, Quezon City, Valenzuela, Paranaque, at Muntinlupa. (DDC)