Resignation ni DA USec. Leocadio Sebastian hindi pa tinatanggap ni Pangulong Marcos
Hindi pa tinatanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang resignation ni Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian.
Si Sebastian ay nagsumite ng resignation noong August 11 matapos mabunyag ang Sugar Order No. 4 na nag-aatas ng pag-aangkat ng 300,000 metric tons ng asukal.
Sa kaniyang pagharap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Sebastian na hindi pa tinatanggap ng pangulo ang kaniyang pagbibitiw sa puwesto, subalit siya ay nakasailalim sa 90-araw na preventive suspension.
Sinabi din ni Sebastian na hindi “irrevocable” resignation ang kaniyang isinumite sa Malakanyang.
Inatasan naman ni Committee chairman, Senator Francis Tolentino si Sebastian na magsumite sa panel ng kopya ng preventive suspension na ipinataw sa kaniya.
Magugunitang naging kontrobersiyal ang Sugar Order No. 4 dahil hindi ito otorisado ni Pangulong Marcos na siya ring kalihim ng Department of Agriculture (DA). (DDC)