Typhoon “Hinnamnor” papasok sa bansa bukas; aabot sa super typhoon category sa susunod na 24 na oras
Patuloy na lumalakas ang Typhoon “Hinnamnor” na nasa labas pa ng bansa.
Ayon sa PAGASA ang sentro ng bagyo ay huling namataan sa layong 1,830 kilometers East Northeast ng Extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 165 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 205 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong pa-kanluran sa bilis na 35 kilometers bawat oras.
Ayon sa PAGASA bukas ng gabi maaring pumasok sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo.
Papangalanan itong “Gardo” pagpasok sa bansa at magiging ikapitong bagyo sa PAR ngayong taon.
Sinabi ng PAGASA na patuloy pang lalakas ang bagyo at maaring umabot sa Super Typhoon category sa susunod na 24 na oras.
Ayon sa PAGASA, simula sa Huwebes, Sept. 1 ay maaring magdulot ng malakas na hangin at mataas na alon sa northern at eastern seaboard ng Luzon ang nasabing bagyo.
Pinapayuhan ang mga may maliliit na sasakyang pandagat na bantayan ang mga abisong ipalalabas ng PAGASA. (DDC)