Naitalang kaso ng dengue sa bansa mula noong Enero umabot na sa mahigit 118,000
Nakapagtala na ang Department of Health (DOH) ng mahigit 118,000 na kaso ng dengue sa bansa simula noong buwan ng Enero.
Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, simula noong January 1 hanggang Aug. 6, 2022 ay nakapagtala na ng 118,526 dengue cases sa bansa.
Mas mataas ito ng 153 percent kumpara sa kaparehong petsa noong nakaraang taon.
Sa nakalipas na halos isang buwan o mula July 10 hanggang Aug. 6 ay nakapagtala ng 29,586 na bagong kaso ng sakit.
Tatlong rehiyon sa bansa ang nakapagtala ng may pinakamataas na kaso ng dengue kabilang ang Region III, Region VII at Metro Manila.
Sa buong bansa, nakapagtala na ng 399 na nasawi dahil sa dengue.
Ayon sa DOH, inabisuhan na ang mga lokal na pamahalaan para magsagawa ng 4S strategy.
Tiniyak din ng DOH na ang mga ospital ay handang tumanggap ng dengue patients at mayroong fast lanes para sa emergency cases ng dengue. (DDC)