Committee report sa pagpapaliban ng 2022 Barangay and SK elections inaprubahan ng House panel
Aprubado na ang committee report ng House Suffrage and Electoral Reforms panel ng Kamara na naglalaman ng panukalang ipagpaliban ang Dec. 5, 2022 Barangay and Sangguniang Kabataan elections.
Labingapat na mambabatas ang bumoto pabor sa report kung saan ipinanukalang gawin na lang sa unang Lunes ng December 2023 ang Barangay at SK elections.
Tanging si Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel ang tumutol sa panukala at nagsumite ng kaniyang dissenting opinion.
Dadalhin na sa House appropriations committee ang substitute bill na inaprubahan ng komite.
Una nang sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na ang pagpapalibang muli sa Brgy. at SK elections ay mangangahulugan ng karagdagang P5 billion na gastos dahil muling bubuksan ang voters registration.
Simula 2016 ay ilang ulit nang naipagpaliban ang Brgy. at SK elections. (DDC)