NCAP sa Parañaque, 2018 pa ayon kay Mayor Olivarez
Simula pa noong 2018 ay ipinatutupad na ng Parañaque City ang No Contact Apprehension Program (NCAP) bilang tugon sa problema sa trapiko sa lungsod partikular sa Sucat Road, inihayag ni Mayor Eric Olivarez.
Si Mayor Olivarez ay kasama sa limang alkalde ng Metro Manila na lumagda sa magkasanib na pahayag sa kanilang nagkakaisang paninindigan na ipatupad ang NCAP sa kabila ng mga petisyon na inihain sa Korte Suprema ng ilang grupo para ideklara ang NCAP bilang labag sa Konstitusyon.
Ipinatupad ang NCAP sa lungsod noong panahon ni dating alkalde at ngayo’y Parañaque 1st District Representative Edwin Olivarez.
Gumagamit ang Parañaque NCAP ng mga high-definition camera na agad na nakakakita ng mga paglabag sa trapiko na ginawa ng mga motorista at maging ng mga pedestrian.
Ang mga motorista na gumagamit ng Sucat Road ay sumunod sa mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran sa trapiko upang mapabuti at mabawasan ang trapiko sa pamamagitan ng paglalagay ng mga high definition camera sa mga pangunahing intersection.
Ipinost sa Facebook page ng Public Information Office (PIO) ang naturang joint statement ng limang Metro mayors upang paalalahanan ang mga motorista na patuloy ang pagpapatupad ng NCAP sa lungsod. (Bhelle Gamboa)