MMDA sisimulan na bukas ang paghuli sa mga motorista na lalabag sa Expanded Number Coding Scheme
Sisimulan na bukas, August 18 ang panghuhuli sa mga motoristang lalabag sa pagpapatupad ng Expanded Number Coding Scheme.
Ngayong umaga ng Miyerkules (August 17) na ikatlong araw ng dry run ng Expanded Number Coding Scheme, umabot sa 2,878 ang nasitang motorista sa EDSA at iba pang pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Paalala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista, bukas ay mahigpit na itong ipatutupad at sisimulan na ang panghuhuli.
Makatatanggap ng citation ticket ang mga motoristang lalabag at summon naman kung sa pamamagitan ng No Contact Apprehension Policy mahuhuli.
P300 ang multa sa paglabag.
Ang bagong oras ng coding ay mula 7:00 – 10:00 ng umaga at 5:00 ng hapon – 8:00 ng gabi tuwing Lunes hanggang Biyernes, maliban sa holidays.
Sa ilalim ng expanded number coding scheme, bawal bumiyahe ang mga sasakyan sa EDSA at mga pangunahing lansangan ng Metro Manila, batay sa huling digit ng license plates sa nasabing coding hours.
Pasok sa coding tuwing Lunes ang mga sasakyang may plakang nagtatapos sa 1 at 2, Martes ang 3 at 4, Miyerkules ang 5 at 6, Huwebes ang 7 at 8, at Biyernes ang 9 at 0. (DDC)