Bilang ng mga bakunang nasayang sa bansa dumoble pa
Dumoble pa ang bilang ng mga nasayang na bakuna kontra COVID-19 sa loob ng dalawang buwan.
Sa datos na inilahad ni Department of Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa pagdinig sa senado, umakyat sa 8.42 percent ang COVID-19 vaccine wastage sa bansa.
Tumaas ito kumpara sa 4.7 percent lamang noong Hunyo.
Bagaman tumaas ang bilang ng mga nasayang na bakuna, sinabi ni Vergeire na pasok pa rin naman ito sa 10 percent threshold na itinatakda ng World Health Organization (WHO) para sa vaccine wastage.
Kabilang sa mga dahilan ng pagkasayang ng mga bakuna ay ang pagka-expire ng mga ito, spillage o nasirang vials.
Ayon kay Vergeire, sumang-ayon ang Covax facility na palitan ang lahat ng nag-expire na bakuna, binili man ito ng gobyerno o donasyon sa Pilipinas.
Sa nasabing pagdinig, sinabi ni Senator Risa Hontiveros na bagaman pasok sa WHO standard ang bilang ng mga bakunang nasayang sa bansa ay nakapanghihinayang ang bilyun-bilyong ginastos para dito. (DDC)