27 dating mga rebelde nakinabang sa P3M halaga ng E-CLIP aid
Pinangunahan ni Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos Jr. ang pagbibigay ng tulong sa 27 mga dating rebelde sa Pagadian City.
Nagbalik-loob sa gobyerno ang 27 mga dating rebelde dahilan para mabigyan sila ng tulong-pinansyal sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).
Ayon sa DILG, aabot sa P3.06-million ang halaga ng financial assistance na naipagkaloob sa mga dating rebelde.
“Today, we have saved another 27 of our fellow Filipinos from the perils of terrorism. Maligayang pagbabalik sa ating mga kababayan na niloko at sinamantala ng mga totoong kalaban ng bansa. Hangad namin na ang araw na ito ay ang simula ng inyong pamumuhay ng may kapayapaan,” ayon kay Abalos sa idinaos na seremonya sa Provincial Government Complex sa Pagadian City.
Sa 27 mga dating rebelde, 17 ay ula sa Zamboanga del Norte, 4 ang mula sa Zamboanga Sibugay at 6 ang mula sa Zamboanga del Sur.
Sa kabuuan ayon sa datos ng DILG, mula noong simulan ang E-CLIP ay umabot na sa 8,889 ang sumukong mga dating rebelde.
Nangako ang 27 na makikipagtulungan sa goyerno.
Sa ilalim ng E-CLIP, ang mga rebeldeng nagbabalik-loob sa gobyerno ay tumatanggap ng P15,000 na immediate cash assistance at P50,000 na halaga ng livelihood assistance.
May katumbas ding halaga ang bawat armas na kanilang isinusuko. (DDC)