Karagdagang P2B na pondo para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation Program ng DSWD inilabas ng DBM
Inaprubahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) na nagkakahalaga ng P2 billion para sa programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na matulungan ang mga mamamayang nasa crisis situations.
Ayon kay Pangandaman, ang pondo ay dapat mapakinabangan ng taumbayan lalo na sa oras ng peligro.
Makatutulong aniya ang nasabing pondo para mabigyan ng DSWD ng tulong at proteksyon ang mga pamilyang nangangailangan.
Ang pondo ay gagamitin para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng DSWD.
Sa ilalim ng AICS, binibigyan ng tulong pinansyal, medical, burial, food at iba pang support services ang mga indibidwal at pamilyang nakararanas ng krisis.
Mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon ay umabot na sa 1.5 million ang natulungan ng AICS program. (DDC)