Phivolcs nakapagtala ng pagtaas ng Sulfur Dioxide gas emission sa Bulkang Taal
Nakapagtala ng pagtaas ng volcanic Sulfur Dioxide gas emission ang Taal Volcano.
Ayon sa Phivolcs, umabot sa 12,125 tonnes/day ang volcanic sulfur dioxide gas emission mula sa main crater ng Taal na naitala Miyerkules (Aug. 3) ng umaga.
Ito na ang pinakamataas na naitala ng Phivolcs simula nang ibaba sa Alert Level 1 ang status ng bulkan noong July 11, 2022.
Ayon sa Phivolcs, simula noong July 15 ay umaabot lang sa 4,952 tonnes/day ang average na sulfur dioxide gas emission sa Taal.
Sa nakalipas na tatlong araw ay nakitaan din ng pagtaas ng degassing sa Main Crater Lake.
Simula araw ng Martes (Aug. 2) ay nakapagtala ng volcanic smog o vog sa western Taal Caldera at umabot ito sa town proper ng Laurel at sa Banyaga sa Agoncillo, Batangas Province.
Paalala ng Phivolcs, delikado sa kalusugan ang vog lalo na sa mga mayroong asthma, lung disease, heart disease, mga may edad, buntis at mga bata.
Pinayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na manatili lamang sa loob ng bahay at isara ang mga pintuan at bintana.
Gumamit din ng pantakip sa ilong gaya ng N95 facemask at uminom ng maraming tubig.
Nananatili pa rin sa Alert Level 1 ang Taal Volcano ayon sa Phivolcs na nangangahulugang abnormal pa rin ang kondisyon nito. (DDC)