DBM inaprubahan ang pagpapalabas ng P4.1B para sa second tranche ng Targeted Cash Transfer Program
Inaprubahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), na nagkakahalaga ng P4,133,932,538.
Layon nito na tulungang maibsan ang epekto ng inflation, lalo na para sa mga mas nangangailangang sambahayan, sa pamamagitan ng Targeted Cash Transfer (TCT) Program.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang tulong ay ipamamahagi sa mga beneficiaries ng second tranche ng TCT Program.
Kabilang dito ang mga mamamayan na lubhang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang bilihin.
Ang P4.1 bilyong budget allotment ay inaasahang magbibigay-tulong sa apat na milyong benepisyaryong saklaw ng ikalawang tranche ng TCT.
Ang agarang pagpapalabas ng pondo ay hiniling ng Department of Finance upang tulungan ang ating mga kababayan sa gitna ng problema ng inflation.
Sa ilalim ng programa, makatatanggap ng tig-P500 bawat buwan, sa loob ng dalawang buwan, ang mga benepisyaryong hindi kasali sa programang 4Ps. (DDC)