Pabrika ng gamot, pribadong ospital at golf course itatayo sa Montalban
Unti-unti nang maisasakatuparan ang pagpasok ng mga investor sa bayan ng Montalban sa lalawigan ng Rizal.
Sa idinaos na flag raising ceremony, sinabi ni Montalban, Rizal Mayor Ronnie Evangelista na kamakailan, nakipag-usap siya sa mga kinatawan ng Diamond Laboratories Inc.
Ang nasabing kumpanya aniya ay magtatayo ng pabrika ng gamot sa bayan.
Ayon kay Evangelista, magdadala ito ng karagdagang trabaho para sa mga residente ng Montalban.
Maliban dito, mayroon na din aniyang nagpa-planong magtayo ng pribadong ospital at golf course sa Montalban.
“Ang sabi ko sa kanila (mga investors) hindi ako hihingi ng SOP, hindi ako hihingi ng kahit na ano sa inyo basta legal lang lahat,” ayon sa alkalde.
Inanunsyo din ni Evangelista ang nakatakda niyang pakikipagpulong sa mga kinatawan ng Ayala Group of Companies.
Sinabi ni Evangelista na napakahalagang makapagpasok ng mga investor sa bayan para mabigyan ng trabaho ang mga mamamayan ng Montalban.
“Wala tayong karapatang magpakipot, kailangan natin ng investors, Magpapasok tayo ng investors para magkaroon ng hanabuhay ang mga tao. Kapag may hanapbuhay ang mga tao marereoslba ang problema sa droga at sa krimen,” dagdag pa ng alkalde. (DDC)