Unang kaso ng monkeypox naitala sa bansa
Nakapagtala na ng unang kaso ng monkeypox sa bansa ayon sa Department of Health (DOH).
Sa press briefing sa Malakanyang, kinumpirma ni Health Undersecretary Dr. Beverly Ho na ang pasyente ay isang 31-anyos.
Hindi pa inilahad ng DOH ang iba pang impormasyon tungkol sa pasyente kabilang kung saan ito nakatira at ang history ng pagbiyahe nito.
Pero sinabi ni Ho na kababalik lamang sa Pilipinas ng nasabing pasyente noong July 19.
Nakumpirmang positibo sa monkeypox ang pasyente nang isa ilalim ito sa RT-PCR sa Research Institute for Tropical Medicine.
Sinabi ni Ho na naka-isolate at binabantayan ang lagay ng pasyente.
Sampung close contacts nito ang natukoy na ng ahensya at lahat sila ay pinayuhang sumailalim sa quarantine. (DDC)