NYC hiniling kay Pangulong Marcos na ibalik ang ROTC, CAT at scouting program
Hiniling ng National Youth Commission (NYC) kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ibalik ang mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa mga kolehiyo at unibersidad sa bansa.
Kasama ding ipinababalik ng NYC ang mandatory Preparatory Military Training o Citizens Army Training (PMT/CAT) isa lahat ng senior high schools, at ang pagpapatupad ng mandatory scouting program sa lahat ng elementary schools.
Sa liham ni NYC Chairman Ronald Cardema na ipinadala sa Malakanyang, sinabi nitong prayoridad ang mga programa para sa kabataan noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Ang mga programang iyon aniya ay nagbigay ng sense of nationalism at disiplina sa mga kabataan.
Sinabi ni Cardema na umaasa silang maglalabas ng Executive Order si Marcos na nag-aatas ng pagbabalik ng ROTC, CAT at scouting program bago ang pagbubukas ng klase.
Ayon kay Cardema, dahil ang Pilipinas ay calamity-prone country, kailangang maisailalim sa pagsasanay ang mga kabataan hinggil sa “disaster preparedness, good citizenship, at national defense. (DDC)