Umiiral na Alert Level sa bansa pinanatili ni PBBM; bagong restrictions classifications pinaaaral ng pangulo
Pinanatili ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang umiiral na Alert Level System sa bansa.
Sa inilabas na pahayag ng Malakanyang, iniutos din ni Marcos ang pag-aaral sa ipinatutupad na restrictions na tutugma sa mas mild na strains ng COVID-19.
Sinabi ng pangulo na maaring mai-adjust o mapagbuti pa ang pinaiiral na alert level kung mas maraming makatatanggap ng booster shots.
Una nang pinulong ni Pangulong Marcos ang mga opisyal ng Department of Health (DOH) para talakayin ang COVID-19 response ng pamahalaan.
Araw ng Lunes (July 18) nakapagtala ng 2,285 na bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito na ang pinakamataas na single-day tally simula noong Pebrero. (DDC)