Tiktoker na nagsunog ng P20 bill sa kaniyang video kinasuhan ng BSP at PNP
Nagsampa ng reklamo ang Philippine National Police (PNP) at ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) laban sa isang TIktoker na nagsunog ng P20 bill sa kaniyang video.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni BSP Strategic Communication and Advocacy Managing Director Antonio “Tony” Lambino II, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusunog ng banknotes.
Bawal aniya ang sadyang pagsira sa mga salapi.
Una rito, isang netizen ang nagpost ng video sa Tiktok kung saan ipinakita nito ang pagsunog niya sa P20 bill.
Nai-take down na ang video matapos itong umani ng batikos sa netizens, pero na-locate ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng Tiktoker.
Sa ilalim ng Presidential Decree 247 na nilagdaan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1973 ang pagsira sa central bank notes at coins ay ilegal. (DDC)