DOH-Metro Manila Center for Health Development nagbabala sa publiko sa kumakalat na text tungkol sa One COVID-19 Allowance
Binalaan ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development o DOH-MMCHD ang publiko laban sa mga kumakalat na text message hinggil sa One COVID-19 Allowance o OCA.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng tanggapan na ang text message ay patungkol sa pagkuha ng OCA sa pamamagitan ng pagpapadala ng email na caralaws23@gmail.com.
Pero ayon sa DOH-MMCHD, ang naturang mensahe ay hindi nagmula sa kanilang ahensya kaya hindi dapat magpaloko dito.
Ipinaliwanag ng tanggapan na ang pagkuha ng OCA ay direktang ipinapabatid sa benepisyaryo na mayroong kumpleto at maayos na dokumento.
Paalala pa ng DOH-MMCHD, tiyakin na lehitimo ang nakakalap na balita; at maging alerto laban sa mga maling impormasyon para na rin sa kaligtasan.
Sa ilalim ng OCA, makatatanggap ng allowance ang healthcare workers at non-healthcare workers depende sa kanilang “risk exposure” — o P3,000 para sa low risk; P6,000 para sa medium risk; at P9,000 para sa high risk.
Sa mga mayroong tanong at sumbong tungkol sa OCA, maaring magpadala ng mensahe sa Public Assistance and Complaint Unit ng tanggapan o sa email na pacu.dohmmchd@gmail.com, o tumawag sa kanilang hotline numbers o Viber number na 0970-464-7549.
Maaari ring bisitahin ang website na www.dohncro.gov.ph para sa mga paalala.