FDA nagkasa na ng imbestigasyon sa pag-recall sa mga produkto ng ‘Lucky Me’ sa ilang bansa Europa
Iniimbestigahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang nangyaring pag-recall sa mga produkto ng Lucky Me sa ilang mga bansa sa Europa dahil sa pagtataglay umano nito ng ethylene oxide na ginagamit bilang pesticide.
Ayon sa pahayag ng FDA, natanggap na nila ang impormasyon sa ipinatutupad na recall sa mga produkto ng Lucky Me sa European Counties at sa Taiwan.
Ayon sa FDA, dito sa Pilipinas, ang mga rehistradong produkto ng Lucky Me ay gawa ng lokal na kumpanya na Monde Nissin Philippines.
Ipinaliwanag ng FDA na ang ethylene oxide ay processing aid na ginagamit pang-disinfect sa mga herbs at spices.
Hindi pinapayagan ng European Union ang paggamit ng etylene oxide sa sterilizing purposes sa mga pagkain.
Pero maaring may maiwang trace ng nasabing kemikal sa ingredients o raw materials ng mga produkto at ito marahil ang na-detect sa mga produkto ng Lucky Me.
Sinabi ng FDA na nakikipag-ugnayan na sila sa kumpanyang Monde Nissin para alamin ang compliance nito sa mga itinatakdang alituntunin ng ahensya.
Tiniyak din ng FDA na maglalabas ng update sa publiko hinggil sa imbestigasyon. (DDC)