Pag-cash out sa P17M na pondo ng pamahalaang bayan ng Montalban may karampatang resolusyon na aprubado ng Sangguniang Bayan

Pag-cash out sa P17M na pondo ng pamahalaang bayan ng Montalban may karampatang resolusyon na aprubado ng Sangguniang Bayan

Walang iregularidad at malinis ang intensyon sa pag-cash out sa P17 million na pondo ng pamahalaang bayan ng Montalban noong umaga ng June 30 ilang oras bago ang pormal na pag-upo sa puwesto ng mga bagong halal na opisyal.

Sa kaniyang Facebook page, nagpaliwanag si dating Konsehal Melo Sta. Isabel at sinabing sa bisa ng resolusyon na kaniyang isinulat, binigyang karapatan si dating Mayor Dennis “Tom” Hernandez na pumasok sa isang kasunduan sa mga kapitan ng barangay para sa pagkakaloob ng financial assistance.

Sinabi ni Sta. Isabel na ipamamahagi sa mga barangay ang tulong pinansyal para magamit sa pagsasaayos ng mga lansangan at iba pang kailangang ayusin upang maiwasan ang pagbaha ngayong panahon na ng tag-ulan.

Paliwanag pa ni Sta. Isabel, hindi minadali ang pagpasa ng resolusyon dahil inabot ito ng anim na sesyon sa Sangguniang Bayan bago mapagtibay.

Ayon kay Sta. Isabel legal ang naging aksyon ng Sangguniang Bayan at ng dating mayor batay sa itinatakda ng Local Government Code.

Ang paliwanag ng dating konsehal ay kasunod ng pahayag ni Mayor Ronnie Evangelista na paiimbestigahan niya ang tangkang pag-cash out sa P17 million na halaga ng pondo ng bayan noong June 30.

Sinabi ni Evangelista na malisyoso at kahina-hinala ang aksyon dahil ginawa ito noong June 30 o ilang oras bago ang pag-upo sa puwesto ng bagong alkalde.

Bilang tugon, sinabi ni Sta. Isabel na karapatan ni Mayor Evangelista na mag-kasa o paimbestigahan ang insidente.

“sa nagdaang panahon na dinanas ng ating kababayan sa pandemic na COVID ang lahat ng pondo ng pamahalaang bayan, pamahalaang barangay ay pinayagan ni Pangulong Duterte na gamitin sa pagbibigay ng ayuda sa ating mga kababayan, na naging dahilan na nawalan na ng pondo ang pamahalaang barangay para sa imprastraktura na sa kasalukuyang panahon ng tag-ulan ay magamit sa iba’t ibang paraan upang maibsan ang maaaring danasin ng ating mga kababayan,” paliwanag pa ni Sta. Isabel. (DDC)

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *