NBI Asst. Dir. Medardo De Lemos magsisilbing OIC sa ahensya
Itinalaga ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla bilang officer-in-charge sa National Bureau of Investigation (NBI) si NBI Assistant Dir. Atty. Medardo de Lemos.
Sa bisa ng Department Order na pirmado ni Remulla si De Lemos ang magiging kapalit ni dating NBI Dir. Eric Distor.
Si De Lemos ay nagsimulang manilbihan sa NBI mula noong 1985 at 12-taon nang Assistant Director sa ahensya.
Noong Lunes (July 4) nakipagpulong na si Remulla kay De Lemos at tinalakay ang kuwestyunableng pagkasawi ng ilang high profile inmates sa New Bilibid Prison.
Ayon kay Atty. Mico Clavano ng Office of the Secretary ng DOJ, nais ni Remulla na ma-validate ang mga impormasyon na kaugnay sa pagkasawi ng 8 high-profile inmates ng Bilibid.
Nagsampa ang NBI sa DOJ ng reklamong murder laban sa 22 pulis ng National Capital Region Police Office na nakatalaga sa Bureau of Corrections dahil sa pagkamatay ng 8 Bilibid inmates na unang pinalabas na nasawi dahil sa COVID-19.
Sa isinagawang imbestigasyon ng NBI, maaaring ginamit lamang ang COVID-19 para pagtakpan ang pagkamatay ng mga inmate.
Kabilang sa sinasabing nasawi dahil sa COVID-19 ay ang inmate na si Jaybee Sebastian. (DDC)