Pulis, sundalo at coast guard personnel nagdaos ng rehearsal para sa inagurasyon ni BBM
Muling nangdaos ng rehearsal ang mga sundalo, pulis, Coas Guard, at iba pang puwersa na magpapanatili ng kaayusan para sa idaraos na inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bukas June 30.
Kasama din sa isinagawang pagsasanay ang ilang miyembro ng medical frontliners, OFWs, atleta at mga manggagawa na may bahagi para sa programa.
Maging ang TV Host na si Toni Gonzaga ay nag-ensayo din para sa pag-awit niya ng Lupang Hinirang.
Samantala, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na 300 ang ide-deploy nilang tauhan sa inagurasyon.
Maliban dito ay mayroon pang 200 na naka-standby para sa posibleng augmentation.
Nakahanda din ang tatlong multi-role response vessels (MRRVs) at ilan pang floating assets ng PCG na magbabantay sa katubigan ng Pasig River at Manila Bay.
Makikibahagi ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) at BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) sa “SIMULTANEOUS BLOWING OF HORNS” ng lahat ng Coast Guard vessels sa Manila North Harbor Port bilang pakikiisa sa inagurasyon at pagbibigay-pugay sa bagong pangulo ng bansa. (DDC)