Commissioning Ceremony sa BRP Melchora Aquino pinangunahan ni Pangulong Duterte
Dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa commissioning ceremony ng BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) sa Port Area, Manila.
Sa kaniyang pahayag, pinuri ng pangulo ang Philippine Coast Guard sa tulong nito sa pagpapanatili ng kalayaan ng bansa.
Ibinahagi rin ng pangulo ang kanyang paghanga sa tagumpay ng Department of Transportation (DOTr) para mabigyan ng komportableng buhay ang mga Pilipino sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Dumalo din sa commissioning ceremony sina DOTr Secretary Tugade, Senator Bong Go, at Minister and Consul General Okajima Hiroyuki ng Embassy of Japan in the Philippines.
Ang BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) ay ang ikalawang 97-meter multi-role response vessel (MRRV) ng PCG na gawa sa Japan. Noong Mayo 2022, kinomisyon sa serbisyo ang unang 97-meter MRRV – ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701).
Sa kasalukuyan, ang mga barkong ito ang pinakamalalaking floating assets ng Coast Guard Fleet.
May bilis itong hindi bababa sa 24 knots at endurance na hindi bababa sa 4,000 nautical miles.
Kaya rin ng BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) at BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) na magsagawa ng pangmatagalang pagpapatrolya sa malawak na katubigan ng Pilipinas.
Ang dalawang barkong ito ay bahagi ng Maritime Safety Capability Improvement Project (MSCIP) Phase II ng DOTr tungo sa malawakang modernisasyon ng PCG.
Ang MSCIP Phase II ay isang Japanese-assisted project na pinondohan gamit ang Official Development Assistance (ODA) loan mula sa gobyerno ng Japan sa tulong ng Japan International Cooperation Agency (JICA). (DDC)