P50 na dagdag sa arawang sahod sa Region 8, aprubado na
Inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (REPTB) ang singkwenta pesos na umento sa mimunum na arawang suweldo ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Eastern Visayas, at ipatutupad ito sa pamamagitan ng dalawang tranches.
Sa ilalim ng Wage Order No. 22, epektibo ang bente singko pesos na dagdag-suweldo sa minimum wage earners, labinlimang araw matapos itong mailathala sa mga pahayagan.
Ang natitira namang P25 ay sisimulang ipagkaloob sa January 2, 2023.
Ang bagong order ay nilagdaan ng Regional Wage Board noong June 6 at inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission ngayong Biyernes, June 10.
Mula sa minimum daily pay na 325 pesos sa ilalim ng dating wage order, magiging 350 pesos na ang arawang suweldo ng mga manggagawa sa non-agriculture sector.
Para sa mga manggagawa sa maliliit na retail business na may sampung empleyado pababa, magiging 320 pesos na ang kanilang minimum daily pay mula sa kasalukuyang 295 pesos.
Inaprubahan din ng board na taasan ng limandaang piso kada buwana ang suweldo ng mga kasambahay sa Eastern Visayas.
Mula sa 4,500 pesos ay magiging 5,000 pesos na kada buwan ang sahod ng mga kasambahay na nagta-trabaho sa mga lungsod at first-class municipalities.
Ang mga nagta-trabaho naman sa ibang mga bayan ay magiging 4,500 na ang suweldo mula sa kasalukuyang P4,000. (Ricky Brozas)