EO sa Cebu Province na pumapayag sa pag-aalis ng face mask sa well-ventilated spaces hindi kikilalanin ng DILG
Hindi kikilalanin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Executive Order ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia na nagpapahintulot na ng pagtatanggal ng face mask sa mga open at well ventilated spaces.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo M. Año, umiiral pa rin ang guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) na aprubado ni Pangulong Rodrigo Duterte na nag-aatas ng pagsunod sa minimum health and safety protocols kabilang ang pagsusuot ng face mask.
Dahil dito ayon kay Año patuloy na sisitahin at aarestuhin ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang mga makikitang lalabag.
Sinabi ng DILG na ang pagsunod sa minimum public health standards (MPHS) pa rin ang pangunahing paaraan para makaiwas sa COVID-19.
Pinaalalahanan ng DILG ang publiko at ang Local Government Units na mayroon pa ring COVID-19 virus sa bansa at hindi pa tapos ang pandemya. (DDC)