Mahigit 40 opisyal at tauhan ng BI kinasuhan kaugnay sa “pastillas Scheme”
Aabot sa 43 mga opisyal at tauhan ng Bureau of Immigration ang kinasuhan ng graft sa Sandiganbayan dahil sa umano’y pagkakasangkot sa “Pastillas Scheme” na nagpapadali sa pagpasok sa bansa ng mga dayuhan.
Inaprubahan ni Ombudsman Samuel Martires ang paghahain ng kaso noong May 27, habang natanggap ng Sandiganbayan ang graft cases noong Lunes, June 6.
Batay sa resolusyon ng Ombudsman, napatunayang binigyan ng mga respondent ng pabor ang mga Chinese nationals at nagdulot ng undue injury sa kabuuang 143 passengers na tinukoy ng National Bureau of Investigation sa halagang humigit kumulang P1.43 million.
Kasama rin sa kinasuhan ng graft ang may-ari ng travel agency.
Ang scheme na umiral simula 2017 hanggang 2020, ay kinasasangkutan umano ng “bosses” o Chinese suppliers na nagsisilbing daan sa pagitan ng travel agencies at immigration officers na nagmamando sa counters sa Ninoy Aquino International Airport terminals 1 at 2.
Tumatanggap umano ang mga Chinese suppliers ng regular pay-outs mula sa travel agencies na karaniwang nakabilot sa puting papel na tila pastillas at ipamamahagi ito sa iba’t ibang miyembro ng scheme. (Infinite Radio Calbayog)