Apat na crew ng MV Happy Hiro na nakabangga sa isang fishing boat sa Palawan, sinampahan ng reklamo ng Coast Guard
Nagsampa ng reklamo ang Philippine Coast Guard laban sa apat na crew ng MV Happy Hiro na nakabangga sa isang fishing boat sa Agutaya, Palawan noong May 28.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Artemio Abu, inihain ang reklamong recless imprudence resulting in multiple homicide, multiple injuries, and damage to properties sa Antique Prosecutor’s Office.
Kabilang sa inireklamo ang Croatian na kapitan ng barko, Romanian na second mate at dalawa pang opisyal na kapwa Pinoy.
Hindi pa rin natatagpuan ang pitong mangingisdang Pinoy na sakay ng FB JOT-18 matapos mabangga ng MV Happy Hiro na mayroong watawat ng Marshall Islands.
Sa imbestigasyon, naka-angkla ang bangka ng mga Pinoy dahil sa naranasang engine failure nang sila ay mabangga ng barko.
Inihayag ng PCG na ititigil na nila ang search and rescue operations sa pitong mangingisdang Pinoy matapos ang ilang araw na paghahanap. (DDC)