Kaso ng dengue sa buong bansa mas mababa pa rin ng 6 percent kumpara noong nakaraang taon
Bagaman may pagtaas ng dengue cases sa ilang rehiyon, sinabi ng Department of Health (DOH) na mas mababa pa rin ang kaso ng sakit na naitala sa buong bansa kumpara noong nakaraang taon.
Sa datos ng Epidemiology Bureau (EB), nakapagtala ng 6% na pagbaba sa kaso ng dengue sa bansa.
Mula kasi sa 27,010 cases noong 2021 ay bumaba sa 25,268 ang dengue cases na naitala ngayong taon.
Gayunman ayon sa DOH, mula March 20 hanggang April 30, 2022 na itinuturing na Morbidity Weeks, ang naitalang kaso ng dengue ay 11,435 na 94% na mas mataas kumpara sa parehong petsa noong 2011.
Simula April 10 hanggang May 7, 2022 nakapagtala ng 6,622 cases kung saan karamihan sa mga kaso ay mula sa Region IX, Region VII at Region III.
Ayon sa DOH, gumagawa na ng hakbang para maiwasan ang pagkakaroon ng outbreak ng dengue at iba pang sakit kapag panahon ng tag-ulan. (DDC)