E-Sabong accounts pinasasara na ng BSP
Inatasan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga bangko o BSP-Supervised Financial Institutions (BSFIs) na alisin na ang accounts ng mga kliyente na may kaugnayan sa e-Sabong.
Ginawa ito ng BSP matapos iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsuspinde sa operasyon ng e-Sabong sa bansa epektibo noong May 3.
Batay sa nilagdaang memorandum ni BSP Hov. Benjamin Diokno, papayagan lang na makipagtransaksiyon ang mga BSFIs sa mga gambling at online gaming businesses na pinahihintulutan ng mga ahensiya ng gobyerno.
Inatasan rin ng BSP ang mga BSFIs na ipabatid sa kanilang mga kliyente na ilipat sa kanilang e-wallet ang natitirang pondo sa e-Sabong accounts.
Binigyan lang ng BSP ng hanggang 30-araw ang mga naturang deposito para mailipat sa kanilang e-wallets.
Matapos ang 30-araw ay inaatasan ang BSFIs na tanggalin na o i-disable na ang link sa pagitan ng e-Sabong accounts at e-money wallets, kabilang na rito ang e-Sabong merchant operator accounts.